PINOY DUBBER

Thursday, July 27, 2006

Buhay ng mga dubbers, masarap na mahirap

NI Aries Cano

Noong huling taon ng dekada 90 hinangaan at nag-click sa sambayanang Filipino ang palabas ng mga banyagang telenovela sa telebisyon.

Naging bahagi ng pang-araw-araw na buhay at pagkaminsan ay hindi lamang naging libangan ang pagtanghod kundi nagsilbi ring idolo at inspirasyon ang mga karakter na ginagampanan ng mga matipuno at naggagandahang bida na nagpatingkad at nagluklok sa kasikatan ng mga telenovela, gaya ng "Marimar", "Rosalinda" at marami pang iba.

Pagpasok ng bagong milenyo, higit na niyakap ng masa ang pagsubaybay sa pagsulpot ng makabagong karakter at tema ng mga telenovela na nagpakilig sa puso ng mga bagets, gayundin sa mga "forgets" upang manumbalik ang masasayang alaala at romantikong damdamin ng bawat isa.

Nariyan ang "Meteor Garden", "Endless Love", "Lovers In Paris", "Full House", "Stairway to Heaven" at iba pa.

Nabighani ang mga kalalakihan sa simple subalit cute na kilos at galaw ni San Cai, Jenny at Vivian habang pinantasya naman ng kababaihan ang kamachohan ni Dao Ming Si kasama ang mga katropa nito sa F4, Cholo, Carlo at iba pa na talaga namang phenomenal hit.

Sa likod ng lahat ng kasikatan na ito, dayuhan man ang mga artista ay nakakubli naman ang mga tunay na stars ... sila ‘yung mga dubbers o mga tagong bida at kontrabida na nagbigay-buhay sa mga karakter na minsan din nating minahal at kinainisan... na sila ring nagbigay-daan upang lubos na maunawaan ng masa ang bawat yugto at mensahe ng mga kuwento maging ito man ay Mexican novela, Chinovela, Koreanovela. Ito ay sa pamamagitan ng pagsasalin ng mga dayuhang dayalogo sa wikang Pilipino.

MEET THE DUBBERS:ANG PAMILYA GALVEZ

Si JOSE ‘JOEY’ GALVEZ, kilalang radio announcer/commentator sa ABS-CBN radio station DZMM at may programang Love Lines with Joey Galvez.

Sa loob ng mahigit ilang dekada sa larangan ng mass media, siya ang binansagang "king of dubbers" ng Pilipinas.

Ayon din sa isang showbiz columnist, ang husay ng boses ni Galvez ang nagtuwid sa baluktot na dila ng award winning actor na si Joel Torre, sapagkat siya ang tinig sa unang pelikula na ginampanan ng aktor.

Dekada ’70 ay dubber na ng ilang klasikong pelikula si Joey Galvez, maging sa TV ay nag-dub din ito sa palabas na "Whatever Happen to Baby Jane".

Sa pagpasok naman ng mga telenovela, ilan sa mga boses na binigyan-buhay ni Galvez ay ang karakter ni Lolo Florentino sa "Rosalinda" na pinagbidahan ng Mexican actress na si Thalia at isa rin siya sa mga tinig sa palabas na "Firefly."

Masasabing isa si Galvez sa may kakaibang talento at talino sa larangan ng dubbing kung saan may kakayahan siya sa tinatawag na ‘parrot dubbing’. Sa madaling salita, kahit nakapikit umano at hindi na pinapanood ang buka ng bibig sa eksena sa dina-dub nito, sa pamamagitan lamang ng pakikinig sa audio ay nabibigyan na nito ng buhay ang karakter na ginagampanan.

Katuwang din ni Joey Galvez ang misis nito na si Josie Galvez, hindi lamang sa pagtataguyod ng kanilang mga supling kundi maging sa pagda-dub.

Si Mrs. Josie Galvez ang isa sa namamahala sa DZMM Drama na napapakinggan natin sa radyo, kasama rin siya sa mga tinig ng mga telenovela.

Maging ang mga anak ng mag-asawang Galvez ay napalinya rin sa pagda-dub, hindi lamang sa radyo, telebisyon kundi maging sa pelikula.

Si Eric Galvez, 32-anyos ay anak nina Josie at Joey. Kabilang sa binigyang-buhay nito at ang boses ni Carlos, ang bidang lalaki sa telenovelang Alondra.

Siya rin si Beto, kapatid ni Rosalinda sa telenovelang Rosalinda, kasali rin siya sa mga Chinovela gaya ng Dolphin Day, Lavander, Romantika at iba pa.

Maging sa cartoons ay nagda-dub din si Eric at ayon sa kanya halos lahat ng karakter na kanyang ginampanan ay naging paborito niya dahil iba’t ibang boses ang nagagamit niya sa bawat role.

Pitong taong gulang o grade 1 pa lamang ay nagda-dub na si Eric at isa sa mga pelikula na narinig ang kanyang boses ay ang pelikulang "Public Enemy No.1" na pinagbidahan ni Bembol Roco.

Pansamantala lamang natigil ang pagda-dub ni Eric nang tumuntong na ito sa high school.

Sa UST nagtapos ng kursong Architecture si Eric at bagama’t titulado na ito ay napalinya pa rin sa pagda-dub na sa kasalukuyan ay pinanggagalingan ng kanyang pinagkakakitaan.

EVA RAMOS

Taong 1980, nagsimula umano siyang maging dubber sa ‘Little Eva’.

Sa DZRH nahubog bilang drama talent. Bukod dito, naging director, commercial model, artista sa pelikula at masasabing sideline lamang ang pagiging dubber niya sa mga telenovela.

Ayon kay Gng. Eva Ramos, pagsusulat ng mga script sa drama sa radyo ang isa sa mga focus niya.

Gayunpaman, para sa kanya isa sa naging markado umano ang boses na binigyan-buhay niya sa Rosalinda sapagkat siya si Valeria, ang ina ni Fernando Jose.

Markado umano ang role ni Valeria kaya ito’y natatanging pagganap para sa kanya.

Sinasabing senior na sa larangan ng pagda- dub si Eva Ramos at ayon sa kanya sa ganitong estado ay puwede na siyang mamili ng mga karakter o role na kanyang gagampanan maging sa anumang klase ng sining mapa-pelikula o telebisyon.

JOVIE BARRETO

Kabilang sa mga boses na kanyang binigyan-buhay ay ang auntie o tiyahin ni Rosaura sa Gata Salvaje na si Claudia, siya rin si Sylvia kapatid sa labas at auntie sa telenovelang Marimar.

Bagama’t ilang taon na ring dubber, mas higit umanong nakapokus ang atensyon I Barreto sa pagiging scriptwriter ng mga radio drama partikular sa religious group.

May katangian din si Barreto na nag-iiba-iba ng kanyang boses kaya’t mapapansin sa isang telenovela na marami itong boses na ginagampanan.

Bukod sa pagiging dubber at scriptwriter, lumabas na rin si Jovie sa iba’t ibang pelikula sa pinilakang tabing.

LINA ANOTA

Ilang dekada ng artista maging sa mga dati ng serye at palabas sa telebisyon, kabilang na ang Analisa kung saan siya’y gumanap na yaya ng yumaong Julie Vega.

Kasabayan din siya nina Matutina, noong dekada ’70 sa mga radio program.

Ilan sa mga dinadub nito ay ang mga telenovela gaya ng Rosalinda, Suplimente Maria at mga cartoons.

Kahit boses ng isang bata o tinig ng matanda ay napaglalaruan at nabibigyan ng maayos na pagganap ni Lina Anota.

Isa rin siyang manunulat maliban sa pagiging dubber, voice talent at artista.

GENE PALOMO

Batikang director, writer at dubber.

Subalit sa lahat ng likod na ito, isa siyang pastor ng religious group ng born again Christian.

Ayon kay G. Palomo, karamihan o 90% ng mga dubber ay nanggaling sa radyo.

Siya ang nagbigay-buhay sa mga role bilang tatay, pari, mabuti, mabagsik na iba’t ibang klase ng role sa mga telenovela.

Ilan sa mga markadong role ay pagiging tatay ni Fernando Jose na bersyon ng Channel 7.

Siya rin ang nagbigay-buhay nina J at K sa cartoons tv series na Men In Black (MIB).

Enjoy umano si G. Palomo sa pagda-dub sa cartoons na ito dahil bagama’t ang tema ng palabas ay tumutukoy sa fantasy o pantasya nakakatuwa umanong isipin na tila ba ang mga kausap niya ay mga alien karakter sa naturang palabas.

Isa rin sa mga diumano niya makakalimutang role ay ang pagbibigay-buhay sa isang middle age man na karakter.

At sa kuwento umano noon, isa siyang mayaman na wagas ang pag-ibig na iniaalay sa bidang babae, kung saan siya ang bosing ng leading lady sa telenovela.

Bilib umano siya sa karakter na ito, dahil napakabait ng karakter at kahit na may pera o impluwensiya ito ay hinihintay lamang na mahalin ng kanyang babaeng napupusuan.

Para sa kanya, ang pagiging dubber bukod sa maituturing na isang magandang trabaho ay nagsisilbi ring good therapy.

KENNETH MASILONGAN

Siya ang boses sa likod ng telenovelang Rosalinda. Siya rin si Patricio o ang lalaking kontrabida sa telenovelang Gata Salvaje.

Ayon kay Masilongan, higit na mas gusto niyang bigyang-buhay ang mga karakter ng bad guy o mga kontrabida sapagkat masarap umano itong paglaruan.

Naiiba-iba rin umano niya ang bawat atake kapag ang mga role ng bad guy ang kanyang ginagampanan.

Isa sa unang pelikulang narinig ang kanyang tinig ay ang pelikulang Bubbles na naghatid ng pagkilala sa natatanging pagganap ni Amy Austria.

NOEL URBANO

Siya rin si Alex Durante ang ka-love triangle ng love interest ni Rosalinda sa telenovelang Rosalinda.

Bukod dito, siya rin ang tinig ni Vic Zhuo, isa sa phenomenal hit na F4 sa palabas na Poor Prince.

Kasali rin siya sa telenovelang Lady Marmalade.

Ilan din sa mga artista na plakado umano at kaya niyang gayahin ang boses ay sina Ricardo Cepeda, Leandro Baldemor at Christian Vasquez.

Bagama’t hindi naman umano masasabing perpekto ang pangongopya niya sa mga boses ay halos 80-90 porsiyento ay bumabagay bunsod na rin ng tamang pagbitaw ng timbre sa buka ng bibig ng kanyang ginagaya.

"Sa pagiging dubber kasi kapag may talent ka masaya, para kang hindi nagtatrabaho, para kang naglalaro lang," pahayag ni Urbano na 13-taon na rin sa showbiz.

Maliban sa pagiging dubber, mayroon ding negosyo si Urbano gaya ng pagiging party clown at puppeteer para sa mga kasiyahan.

Pero sa kabila ng mga ito, nais pa rin umano niyang magkaroon ng regular na trabaho upang maging stable at magkaroon ng pangmatagalang hanapbuhay na maipantutustos sa pangangailangan ng kanyang pamilya.

KITA, DEPENDE SA BIGAT NG ROLES, HABA NG SCRIPT

Ilan sa mga sinasabing highest paid umano sa larangan ng pagda-dub ay sina Alvin Bernales at Wendy Villacorta. Sa kabuuan umano, tinatayang humigit-kumulang sa 200 dubbers sa Pilipinas.

Sa Estados Unidos, isa sa sinasabing tumiba at naging milyonaryo ay ang babaeng dubber na nagbigay-buhay sa karakter ng cartoon show na Bart Simpson.

Pagdating sa bayaran, depende umano sa bigat ng role o pagiging sikat ng karakter na ida-dub, nababase ang kabayaran.

Depende rin umano sa haba ng script. Isang halimbawa umano kung maiksi lamang ang gagampanang papel sa unang script maaring P600 pababa ang kabayaran nito.

Kadalasan, iba-iba umano ang shift ang trabaho ng dubber. Mayroon ding 10 am -3 pm. Three times a week ang pasok.

Sa lead role o bidang karakter, umaabot umano sa P800 hanggang P900 ang talent fee per episode at kadalasan ang dalawa hanggang limang episode ay maaari ring matapos sa loob ng dalawampung minuto hanggang isang oras, batay sa galing ng bawat dubber.

Masasabing madali umano ang pagkita ng pera sa pagiging dubber kung saan maaari kang mag-take-home ng P3,000 to P4,000 kada araw.

Mabilis umano ang pera dahil magsasalita ka lang, pag-uwi mo may pera ka na.

KLASE NG DUBBER

May tinatawag na block dubbing o ‘yung sabay-sabay at magkakasama ang bawat dubber na nagdadayalogo upang mabigyang-buhay ang bawat eksena ng isang pelikula o telenovela.

Mayroon ding individual dubbing o ‘yung by tracks na tinatawag. Halimbawa, iniiskedyul ito ng episode 1-3, 4-6 o 6-8.

Higit na mas gusto umano ng mga dubber ang individual dubbing dahil mas madaling natatapos ang trabaho at maaring sa loob ng isang oras ay ma-accomplish na nila ang tatlong episode.

PROBLEMA

Masasabi naman umanong munting hassle o aberya sa mga dubbers ay ang paghihintay, pag-uwi ng dis-oras ng gabi, pagkaantala ng script, puyat, sa technical side ay ang pagkakaroon ng sira ng mga equipment sa studio.

Puyat din ang isa sa kalaban ng mga dubbers at magkaminsan ay ang pagkakaantala sa pagbibigay ng sahod.

Kapag mababa umano ang rating ng isang telenovela, maaring sa una o pangalawang buwan pa lamang ay makakansela kaya’t isa ito sa mga disappointing moment ng mga dubber, sapagkat kapag sinibak na ang palabas, awtomatikong kanselado na rin ang kanilang raket.

Isa rin sa nakakadismaya ay kapag namatay sa palabas ang karakter na dina-dub mo. ‘Yung tipong makalipas ang isang linggong pagpapalabas sa telebisyon ay mapapatay pala ‘yung role na binibigyang-buhay.

Mayroon din umanong nalalaos na dubber, ito ‘yung mga matatanda na at halos hindi na makabasa ng script.

Samantala, mas nakakatuwa umano kapag maraming commercial, dahil tiyak na hit at tuluy-tuloy ang kanilang trabaho.

Sa pagiging isang dubber, wala rin umanong working benefits na makukuha hindi gaya ng mga regular na empleyado ng isang kumpanya.

Depende umano kung nanaisin ng isang dubber na mag-apply ng sarili niyang SSS, Health at iba pang benepisyong tinatanggap ng mga regular na empleyado.

Wala rin partikular na asosasyon na nangangalaga at tumitingin sa kapakanan ng mga dubbers sa Pilipinas.

Grupu-grupo lamang umano ang mga ito.

Sa mga nagnanais mapasok sa larangan ng dubbing, payo ng mga nabanggit na dalubhasa ay dapat ang bawat isa’y mayroong determinasyon, pasensya at higit sa lahat ay may angking talento.

Dapat ding magbasa nang magbasa at mag-aral nang mag-aral ng iba’t ibang klase ng mga boses.

TELENOVELA FANS

EDA AZUL, 52-anyos, paborito ko na panoorin ang Lover’s in Paris, dahil talaga namang nakakakilig ang mga eksena at parang bumabalik ang aking teenage days.

AMPY LIMON, 25, gustung-gusto ko po ‘yung Meteor Garden. Kakakilig ang F4 lalo na si Dao Ming Si, sana magkaroon uli sila ng bagong telenovela.

EDNA CHAN, 35, fan ako ng mga telenovela, dahil kahit drama o romantiko, pagharap mo sa TV nakakawala ng pagod at tension sa maghapong pagkayod.

ROMEO BALTAZAR, 36, taga-Calumpit, Bulacan. Sana po ‘wag naman puro drama magkaroon din mga telenovelang maaksyon na may karate at martial arts, pero idol ko si Dao Ming Si at iba pang F4, hindi lang sa porma ng pananamit kundi pati sa diskarte nila sa mga tsikas.

ROLANDO PLATA, 38-taong gulang. Nakakaantig ng damdamin ang mga telenovela at talaga namang makaka-relate ang mga ito sa buhay-buhay natin. Kahit pa tayo ay Pilipino at dayuhan ang mga gumaganap dito.

STEVE BAUTISTA, 22. Noong una hindi naman po talaga ako fan ng telenovela, pero pag-uwi ko ng bahay dahil nanonood ang aking mga kasambahay, minsan ko pong inupuan ang panonood nito. Hindi ko nga alam pero nawili na rin ako sa panonood at tagalang sumubaybay na ako.